READ: Mga obispo, pumalag sa pagsampa ng kasong kriminal ng PNP laban sa mga Taga-Simbahang Katoliko | TESTING ZONE

Friday, July 19, 2019

READ: Mga obispo, pumalag sa pagsampa ng kasong kriminal ng PNP laban sa mga Taga-Simbahang Katoliko

READ: Mga obispo, pumalag sa pagsampa ng kasong kriminal ng PNP laban sa mga Taga-Simbahang Katoliko

Pumalag sina Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo at Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa ginawang pagsasampa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ng kasong kriminal laban sa ilang personalidad na kinabibilangan ng mga opisyal ng Simbahang Katolika.

Ayon kay Pabillo, malinaw na isang uri ng ‘harassment’ o ‘panggigipit’ ang naturang reklamo, na may kinalaman sa video seryeng ‘Ang Totoong Narcolist.’

Naniniwala si Pabillo na layunin lamang ng hakbang na magdulot ng kalituhan at takot sa sambayanan.

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Pabillo na hindi magpapatalo at magpapatakot ang mga taga-Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at ang buong Simbahang Katolika dito.

“Yan ay isa na namang form ng harassment. And to sow confusion and fear among the people. At hindi po tayo nagpapatalo dyan,” ani Pabillo, nang mahingian ng reaksiyon hinggil dito.

Matatandaang nitong Huwebes, inihain ng PNP-CIDG sa Department of Justice (DOJ) ang patong-patong na reklamo laban kay Vice President Leni Robredo at iba pang mga taga-oposisyon, na isinasangkot sa “Ang Totoong Narcolist” na nagdadawit sa pamilya Duterte sa ilegal na droga, gayundin ang ilang lider ng Simbahan mula sa CBCP.

Samantala, mariin namang pinabulaanan ni Bacani ang akusasyon laban sa kanya at sa iba pang Obispong isinangkot sa kaso ng PNP-CIDG, sapagkat hindi pa nito nakaharap ng personal si Peter Joemel ‘Bikoy’ Advincula.

Tinawag pa niyang ‘stupid’ ang mga pulis nang magpaloko kay Advincula.

“That shows how stupid the police are, madali silang lokohin,” pahayag ni Bacani sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Paliwanag ng Obispo, walang kakayahang mag-assess ang PNP-CIDG sapagkat pinaniniwalaan ang tumatayong saksi kahit na hindi kapani-paniwala ang mga testimonya nito.

Ikinagulat din ni Bishop Bacani ang pagkasangkot ng pangalan ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa kaso gayung tahimik lamang aniya itong namamahala sa kanyang diyosesis at gumagabay sa mga kawang ipinagkatiwala sa kanyang pangangalaga.

Bukod kina Robredo, Bacani at Ongtioco, nabatid na kabilang din sa mga sinampahan ng kasong sedisyon ng PNP-CIDG sa DOJ ang 32 pang indibidwal, kabilang na sina dating CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas, CBCP Vice President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, Fr. Robert Reyes, Fr. Albert Alejo at Fr. Flaviano Villanueva.

“The witness is completely unbelievable, it could be stupid for them and they looks  stupid before the world  if they file the charges based on the comment of that person because he is completely untrustworthy,” ani Bacani.

Hinala rin niya na may usapin sa bansa ang nais pagtakpan ng administrasyon kaya’t gumawa ito ng mga pamamaraan upang lituhin ang mamamayan sa tunay na suliraning kinakaharap ng mga Filipino tulad ng kahirapan at laganap na extra judicial killings.

“Kapag may ginagawang ganyan mayroon na naman yang gustong pagtakpan ang administrasyon, meron silang gustong itago na ayaw nilang mapansin ng tao,” saad pa ng obispo.

Una nang itinanggi ng Malakanyang na may kinalaman ito sa paghahain ng Sedition case sa mga kritiko ng administrasyon at sinabing ipauubaya sa hukuman ang paghatol sa nasabing kaso.

Visit and follow our website: TRENDING NEWS PH FILE

© TRENDING NEWS PH FILE

Loading...

0 comments:

Post a Comment